ni Uel Ceballos, circa 2008
Naghari ang katahimikan sa buong silid
kasabay ng mga luhang nangingilid
matang kinusot ng mahabang panahon ng paghikbi.
Walang kaluskos
ni ang mga dahong nagsasalimbayan sa labas ng durungawan
ay waring nakikiayon sa isang mahabang patlang,
patlang na lalong pinatatagal ng mabagal na pagtakbo
ng orasan.
Alas kuwatro y media
Alas kuwatro u media ng huling marinig
ang huling pantig na pilit pinakawala sa nagsasarang lalamunan...aah!
Isang mahinang tinig na humulagpos sa apat na sulok.
Sa apat ng sulok na binalutan ng lumbay, pagsisisi at sari-saring damdaming
inamag na sa tagal ng pagkakakubli.
Doon sa apat na sulok na nilisan ng apat na anak
kung saan namalagi ang matandang umaga't gabing inaalala
ang noo'y maliliit pa niyang mga supling na salit-salitang sumasalabay, humihila
sa halos mapunit niya nang puruntong.
Kasabay din noon ang pagtanghod sa kusinang may anim na pinggan,
anim na basong magkakaiba ang sukat at kulay, anim na pares ng kutsara't tinidor.
Sa tuwing sasapit ang alas kuwatro y media ng hapon
ay muling gumuguhit sa kanyang isipan ang anyo ng kabiyak
na yumao halos mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas.
Wari bang nauulinigan pa rin ang kalansing ng mga kalderong nagsasagian
habang pumapailanlang sa hangin ang ginigisang karne at gulay,
kung minsa'y ang nakaiilang na ugong ng de bombang kalan,
o di kaya'y sipol ng takureng niluma na ng sandaang nakaraan.
Sa pagitan ng mga patlang, pumapatak ang mga luhang tumatagos sa kailaliman
ng sahig na inalpombrahan ng alikabok.
Walang nangahas lumikha ng salitang pupunit sa patlang na gawa ng pusong
nagpasya nang tumigil sa pagtibok.
Isang mahabang patlang na iniwan ng matandang kailanma'y hindi naglagay
ng patlang sa pagiging ama.
Patlang na nagsusumigaw, nakabibingi, nakahihiwa ng malalim na sugat
sa didbdib na pinangingibabawan ng mahabang panahon ng pangungulila,
ng pagdiriwang mag-isa ng pasko't bagong taon,
na pinatatamis na lamang ng mga namamaskong paslit,
na mga paputok na pinakakawalan sa kalangitan
kasabay ng mga hinanakit na pilit iwinawaksi sa puso't isipan.
Marahan na ring umihip ang hangin.
Hudyat ng pagwawakas ng patlang
at tanda ng pagsisimula ng panibagong ingay na katagala'y
magwawakas muli sa isang patlang.
Kumawala na ang mga luhang sinaliwan ng mga katagang
tumatagos sa pader at umaalingawngaw sa pagitan ng mga punong
piping saksi sa isang pagluluksa.
Pagluluksang naganap pagkatapos ng mahabang taon ng mga patlang
sa pagitan ng ama at ng mga anak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento