ni Uel Ceballos, circa 2008
Naghihintay ang lahat,
tahimik na pinagmamasdan
ang gurong pinagmumulan ng tinig
tangan ang pulang pluma at talaan.
Sa isang gilid ng apat na sulok,
naroon si Maria sa may durungawan.
Naglalakbay ang diwa,
isang kaluluwang tulala
nakatingala sa pugad ng kalangitan.
Humuhuni ang ibon na parang anghel
sinusundo na yata ng mga alagad ni Gabriel.
Umindak si Amihan at naging dagat ang ulap,
itong si Maria naakit lalo sa pangangarap.
"Ulap! Maari bang ako'y ilipad?"
tanong ngayon ng nagmumuni niyang isipan.
"...tinig ng kanyang liksiyon hindi ko maulinigan,"
Hanggang sa bumagsak ng marahan
talukap ng mga matang nangingislap.
Nagsusumigaw ang panaginip,
"Halika na Maria! Halika na!"
Ngunit sa isang bugso isang tinig
ang sa kalangitan ay kumulog.
"Tila nililipad sa malayong lugar ang iyong isip,
maari bang pakiulit ang aking sinambit,
Maria Lourdes Macaraig?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento