Sabado, Enero 11, 2014

Saglit Na Paglisan

ni Uel Ceballos, Circa 2005

Saglit lamang,
At aking ihahayag itong pagsintang 
hindi makabasag pinggan
Hintay muna, maari bang pakinggan?
Damdaming kinipkip 
Dalawang taong singkad?

Minsan nga ba'y iyong natanaw
O sadya nga yatang ikaw ay
nagbubulag-bulagan
Sa kinang nga naman ng 
Binibini mong sinisinta

Mangyari pa bang iyong masinagan
Pagsinta kong nagkukubli ng walang
ingay?
Marahil,
Sa balintataw na lamang
Kita'y maiibig
Pangangamba ko ri'y lubhang di maihip
Na baka pati pagkakaibiga'y
Matiyak sa pangil ng panganib

Kaibigan, akin lamang pakiusap
Mangyari bang huwag na sanang
pagtakhan pa,
Kung panganorin man sa atin ay
mag-ibang kulay.
Ako ba sa iyo'y lubusang makakaasa?
Na sa pag-iwas ko'y 
Hindi ka mababalisa?

Mangyaring huwag ipagdamdam
Saglit kong paglisan,
Sa pagkakaibigang ating inalagaan
Dalawang taong singkad
Gantimpalaan nawa ng iyong 
pang-unawa
Na hirap akong bumata sa ganitong
kahapisan.

Siyang dilag na iyong sinisinta,
Kayo sa isa't isa ay nababagay
Siyang paraluman na lagi mong sinusundan
Ng tanaw
Maging ako sa kanya
ay tunay na nagigiliwan

Ngunit ang pangimbulo,
sukat ko mang pigilin ay dumadaluyong
Nababatid kong gawang masama
Datapwa't paano makakalasag
Alimpuyong bumabalani
Sa sawi kong katauhan?

Dapyo sa akin ng bawat umaga'y
Nananambitan na
nang dakilang pagwawakas.
Pag-aapula sa pagsintang
Sukat mandi'y walang pagkalagyan
Bakit nga ba dati'y hindi ko
napagtagumpayan?

Ang pag-ibig, busilak man at mataos,
kapag lumalabis lalo pa't
Nadidiligan ng kirot
Sa dumadama ay nagiging matinik na
lason,
Parang dagitab
na nagwawaksi ng poot!

Kaya't habang batid na makabubuti 
itong ganap,
Pagsinta sayo'y kikitlin ko nang
mahinusay.
Huwag na sanang ipagdamdam 
Pag-iwas ko ng ilang buwan
Ito'y panandalian lang naman,
Pangako iyan sinisinta kong kaibigan...


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento