Martes, Hunyo 30, 2015

TraveLore: Mt. Pico De Loro ~ Ang umaawit na kagandahan ni Inang Kalikasan :)


Madalas kong marinig ang bundok ng Pico De Loro bilang isa sa mga sikat akyatin sa Metro Manila. Kilala ito sa hugis niyang kahalintulad sa tuka ng isang Loro. Bukod dito’y kilalang pasyalan din ang lokasyon ng Pico o Mt. Palay-Palay. Nakapalibot dito ang mga high class na beach resort. Mayroon din namang pang-masa na languyan, subalit kapansin-pansin ang pagiging komersyalisado ng lugar. Sa pagbagtas sa daan papunta sa DENR, madadaanan ang Puerto Azul na kilalang resort sa Cavite. Maayos ang mga kalsada. Sementado. Halatang madalas puntahan para sa  pagpupulong ng mga negosyante, mahahalagang kaganapan, outing ng mga kumpanya, at pagbabakasyon ng mga turista. 

Nagkita-kita kami ng mga kasama ko sa choir na sina Jen at Julie sa aming tagpuang lugar sa Commonwealth. Sumakay ng bus papuntang Coastal. Naroon kasi ang terminal ng mga bus na bumibiyaheng Ternate, Cavite. Alas-siyete ng umaga ng maging lulan kami ng bus na pang-Sunday’s best ang tugtugan. Ang inaasahan naming tatlong oras na byahe, naging dalawa na lang. Alas-nuwebe impunto nang makarating kami ng Ternate. Ibinaba kami ni kuyang konduktor sa sakayan ng tricycle na maghahatid sa amin sa DENR. Ayon sa mga blog na nabasa ko, PHP250 ang bayad, pero walastik nagtaas na pala ang singil sa PHP300. Tatlong tao lang ang pinapayagang sumakay sa isang tricycle, kung nasa anim o higit pa ang bilang ninyo, mahigit dalawang tricycle ang kukunin niyo. Sakto tatlo lang kami, wala ng problema. Alam nating halos wala ng ipinagkaiba ang Cavite sa Maynila; pero sa bandang bahaging iyon ng Ternate, presko at masarap pa langhapin ang hangin. Hindi naman masasabing walang pag-unlad ang lalawigan sapagkat sementado ang mga kalsada at napapaligiran na ito ng mga komersyalisadong pasyalan.

Lumulan na kami ng tricycle at binagtas ang mahaba at matarik na kalsada. Naiintindihan na namin kung bakit tatlo lamang ang pinapayagan sumakay sa bawat tric. Kung ayaw ninyong tumimbwang sa daan, huwag na kayo makipagtalo sa driver. Paahon ang daraanan kaya kapag sinabing tatlo lang ang pwede, tatlo lang talaga ang pwede. Narating namin ang DENR makaraan ang 30 minuto. Kailangan magparehistro doon sa halagang php25. Mayroon silang inaalok na guide sa tumataginting na php1,200! Walastik! Pasensiya na subalit kitang-kita ko ang pagka-oportunista ng mga taong namamahala dito. Una, hindi ganoon kahirap akyatin ang Mt. Pico De Loro. Katunayan niyan, maari itong akyatin ng walang kasamang guide. Pangalawa, kung mag-aalok man sila ng guide bakit naman sa ganoon kamahal na presyo. Hiyang-hiya naman ang presyo ng guide sa mga mas mahihirap na bundok, na kadalasa’y PHP500 na ang pinakamahal na singil. Wala naman kaming balak kumuha ng guide dahil ayon na rin sa mga nabasa kong blog, madali lang sundan ang trail. Pinahahalagahan ko ang pagsisikap ng pamunuan nito na isaayos ang mga daraanan. Napansin ko kasi na nilalagyan nila ng harang na sanga ang ibang mga direksyong maaring makalito sa hikers. Sa ganoong paraan isang direksyon ng trail na lamang ang mayroon at hindi na kailangang mag-eeny, meeny, miny, moe ng mga umaakyat. Doon lamang ako nadismaya sa pagpresyo nila ng kanilang guide. Kumikitang-kabuhayan lang ang peg.

Walang bilihan ng heavy breakfast sa registration site liban sa mga nilagang itlog, saging, at mga katulad ng fish crackers at ibang kahalintulad. Siguraduhing nakapag-almusal ng maayos bago tumungo sa DENR site. Inaasahan kasi namin na may makakainan kaming karinderya pero isang malaking epic fail dahil wala. Mabuti na lamang may baon kaming donuts. J

Sinimulan na namin ang pag-akyat habang nilalasap ang sarap ng saging latundan. Madali lang talagang sundan ang trail. Walang kahirap-hirap. Hindi nakalilito. Medyo maputik at madulas ang daraanan likha marahil ng mga nakaraang pag-ulan. Hindi mahalumimig ang lugar. Sa katunayan malamig ang singaw sa loob ng kagubatan. Sa daraanan paakyat asahan na ang mga bahagyang paahon at pagkatapos ay pababang pagsulong. Hindi naman gaanong mahirap. Mag-ingat lang dahil medyo madulas ang daraanan. Hindi mabato ang trail. Madalas ay puro lupa ang tatapakan. Maganda ito kapag tag-araw. Masakit kasi sa paa kapag mabato ang bagtasin. Subalit asahang magiging mahirap ito kung maulan ang panahon dahil magiging maputik masyado ang daan. Kung may mga bato kasi, makakatulong ito kahit papaano na pigilan ang tuluyang pagkakadulas.





Kapansin-pansin ang mga malalaking punong nakatumba sa ilang bahagi ng trail. Nakaharang ang malalaking katawan nito sa daraanan. Kinakailangan pang sumampa sa matataba at makakapal ng katawan at sanga nito para makatawid sa kabila. Karamihan sa mga nagtumbahang puno ay iyong mga ginagamit sa paggawa ng muwebles. Hindi ako maalam sa puno pero hindi na kailangan ng expertise para malamang maganda ang klase ng punong iyon. Mukhang matagal na naman ang pagkakatumba nila dahil ang ilan ay tinubuan na ng lumot at mga kabute. Marahil ay likha iyon ng malalakas na bagyong nagdaan noon sa Cavite. Naisip ko tuloy, paano kung bigla kaming abutan na isang malakas na bagyo sa gitna ng kagubatan. Delikado.

Nangingibabaw ang naghalong amoy ng dahon, sanga, at lupa. Amoy bundok. Ang sarap langhapin. Nararamdaman na namin ang malayang pag-agos ng pawis sa aming likuran, noo, at iba pang bahagi ng katawan. Masarap pagpawisan sa ganoong gawain. Tumatama ang sinag ng araw sa aming balat; liwanag na lumulusot sa mga siwang ng mayayabong na palyo ng dahon.  Humihinto kami sa mga pagkakataong labis na ang pagkahingal; umiinom ng tubig at kumakain ng chocolate. Sa tantiya namin ay ala-una kami makararating sa tuktok pero alas-onse pa lang ay nasa campsite na kami. Mula dito ay 30 minuto na lang ang gugugulin paakyat. Nakakapanibago lang ang sandaling oras ng pag-akyat kung ikukumpara sa ibang bundok na halos sukuan ko na sa kalagitnaan. 




Mula sa bahaging iyon ay matatanaw mo ang kagandahan ng Mt. Pico De Loro. Kitang-kita ang tayog at kariktan nito. Isang hari ng kanyang palasyo, buong pagmamalaking nakatanaw sa kanyang nasasakupan katabi ang kanyang reyna.

Bago kami nagpasyang umakyat ay sinulit muna ang pagkuha ng larawan. Click! Click! Click! Maraming hikers ang nagpapahinga pero walang nagka-camping. Ipinagbawal na ang pag-overnight sa lugar kaya puro dayhike lang ang pwedeng magawa sa Mt. Pico. Mula sa aming kinatatayuan ay tanaw ang salubong na hangganan ng Cavite at Batangas. Nakalulula pero nakamamangha rin. Mas nangingibabaw ang pagkahalina. Muli ay napaalalahanan ako na tayo’y ga-atom na tuldok lang sa napakalawak na sansinukob. 

Nakilala namin doon si Reynaldo. Nag-offer siya sa amin na mag-guide paakyat sa summit. Kakailanganin daw kasi namin ng tulong sa pag-akyat sa monolith (ito ang matayog na bloke ng bato katabi ng Mt. Pico.) Kahit magkano lang daw ang iabot namin kay Reynaldo. Dahil sa kagustuhan kong maakyat ang monolith, hinikayat ko ang dalawang kasama ko na kunin siya. Ayos din, mayroon na kaming instant photographer.




Sinimulan na namin ang paglalakad patungo sa rurok ng Mt. Pico. Matarik subalit ikaw nga, “Yakang-yaka!”. Ang aming ilang minutong pag-akyat bago ang final destination (parang hindi maganda pakinggan) ay naging mapanghamon. Matarik. Walang makapitan. Ang bahaging ito ng anggulong 45 antas na paahon ang sadyang nakapagpalula sa dalawa kong kasama. Hindi ko sila masisisi. Ganoon rin ang naramdaman ko noong una akong mag-hike sa kabundukan naman ng Mt. Batulao. Nakakapanginig sapagkat wala kang ibang makapitan maliban sa mga batong naroroon. 

Kaya dapat payuko ang akyat. Huwag tumindig ng diretso. Ikurba paharap ang katawan at pagtuunan ng pansin ang balanse.

Sa wakas ay narating din ang tuktok at isang makapigil-hiningang tanawin ang bumati sa amin. Dahil nga sikat na akyatin ang Mt. Pico, punung-puno ng tao ang makipot na espasyo sa tuktok ng bundok. Overcrowded. Nagpahinga muna kami at kinain ang baon naming donuts. Pagod na ang mga kasama ko. Nanginginig na ang mga binti. Inaalala rin nila ang pagbaba. Naiintindihan ko sila. Hindi talaga biro ang mamundok. 






Kuha ng larawan dito. Selfie roon. Ang saya mag-picture kahit na ba ramdam ang pagsisiksikan ng mga tao sa tuktok. Walangya. Siksikan na nga sa siyudad, siksikan pa rin sa kabundukan? Mula sa tuktok ay pinagmasdan namin ang yamang lupa at yamang tubig na mayroon ang Pilipinas. Ang gandang tanawin ng asul at berdeng obra maestra ng kalikasan.

Napansin naming ang haba ng pila sa ibaba ng monolith. Wala nang balak umakyat doon ang mga kasama ko. Nawalan na rin ako ng gana umakyat kung hindi ko sila kasama. Mukhang aabutin din kasi ng siyam-siyam kung makikihanay pa ako sa mahabang pila. Sayang. Pero okay lang pwede namang bumalik anytime; sana masakto ko sa panahong hindi dagsa ang hikers.






Tinahak namin ang Nasugbu-Batangas trail pababa. Mas madali daw ito sabi ni Reynaldo. Parang hindi naman. Pero yakang-yaka naman. Parang mas mahaba lang ang oras na ginugol namin. Mas matagal. Dahil dinala na namin si Reynaldo hanggang pagbaba, naging php500 sarado na ang bayad sa kanya. Kanina kasi sa monolith lang ang usapan. Ayos na rin kumpara naman sa PHP1200 ng DENR guide. Sa baba ay mayroong terminal ng tricycle papuntang Nasugbu bus terminal. PHP500 ang bayad sa tric at halos 45 minuto din ang byahe. Malayo talaga. Pagkarating sa terminal kumain lang kami sa Jollibee, chika-chika, palit damit, at saka sakay sa bus patungong Pasay. Inabot ng tatlong oras ang byahe namin. Alas-nuwebe ng makarating kami ng Pasay, sumakay ng bus pa-Fairview at ayun, nakauwi ng kanya-kanyang bahay mga bandang alas-diyes y media. J Kapoy gyud pero ang sayang karanasan na makaakyat ulit ng bundok!



Mt. Pico De Loro -- Itinerary at Expenses: 


7AM           - At the Coastal Bus Terminal           
                   - Bought snacks / Trail foods                                                  PHP 150                 
7:15AM      - Rode Bus to Ternate Cavite                                                 PHP 82
9AM           - Arrived at Ternarte
                   - Rode a tricycle to DENR                                                     PHP 300 (Tig-100 each kami)
                   - Paid Registration Fee                                                           PHP 25
9:30AM      - Started ascend
11:30AM    - Camp Site 
                   - Hired a guide to monolith and to descend                           PHP 500 (Divided by 3 ulit 
                                                       pero sinagot na ni Julie ung 250 kaya tig 125 na lang kami ni Jen.)
12NN         - Summit
1PM           - Started Descend (Nasugbu Trail)
4PM           - Reached Nasugbu Jump Off
                   - Rode a Tric to Nasugbu Terminal                                       PHP 500 (Tig-170 kami)
4:45PM      - Arrived at Terminal
                   - Late Lunch sa Jollibee                                                          PHP 140
5:30PM      - Rode a bus to Pasay                                                             PHP 155

Estimated Overall Budget: PHP 947

Kuya Reynaldo (Guide) Contact no. 09997173936






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento