Biyernes, Disyembre 18, 2015

Hindi Ko Na Mahal Ang Tag-ulan

Ni: Uel Ceballos

When it rains, we cry.  

Gising na ako nang alas-otso ng umaga. Doon ako umuwi kagabi sa bahay nila mama sa Fairview. Maulan kaya nakakatamad bumangon. Sa wakas, natapos na rin ang mga umagang ginigising ako ng maalinsangang panahon. Gustong-gusto ko ang ginaw na dulot ng umagang maulan. Alas-nuwebe na ko bumangon. Tumungo sa kusina at nagtimpla ng kapeng 3-in-1. Isang pakete na lang pala ang natitira. Kailangan nang mag-grocery. May stock naman ng kape at creamer pero hindi na ako marunong magtimpla simula nang masanay sa instant mixes. Tuwing susubukan ko, may kinukulang sa lasa. Minsan kung hindi kinukulang, sumusobra naman. Napapasobra ang pait, minsan napapasobra ang tamis. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling nakapagtimpla nang tama.

Nag-vibrate ang cellphone sa lamesa. Galing ang text kay Lester, “Push tayo mamaya Sheng, ha. 2PM sa Megamall,” sabi niya sa text.

Alas-dos impunto, nakabihis na ako palabas ng bahay. Alas-dos y media, lulan na ako ng bus. Sa MRT Ortigas Station na ako bababa para kaunting lakad na lang papunta sa Bldg. A ng Megamall.

“Sa Krispy Kreme tayo gurl,” panibagong text ni Lester. Nasa POEA na ang bus na sinasakyan ko nang bigla kaming pababain ng konduktor at palipatin ng ibang bus. Hindi ko alam ang dahilan pero basta na lang kami pinababa. Kung hindi gutom, malamang naje-jebs yung driver. Hindi naman kasi nasiraan.

“Badtrip naman!” ang tanging naibulong ko na lang.

Bumaba na ako pero hindi lumipat ng ibang bus. Sa usad pagong na gapang ng mga sasakyan, baka tubuan na ng pakpak ang cocoon kong kaibigan sa kaaantay sa meeting place namin. Frustrated butterfly pa naman ang bakla, hindi pa makapag-out. Nilakad ko na lang mula Robinsons Galleria hanggang Megamall. Umaambon-ambon lang kaya hindi na rin ako nagpayong. Sa ganitong pagkakataon, masarap talagang mag-emote sa ulan. Kasabay ng pamamanhid ng hita, nakarating na rin ako sa Megamall. Pagkapasok sa SM Supermarket ay saka ko inisip kung nasaan nga ba banda ang Krispy Kreme. Kahit buwan-buwan akong nakakagala sa Megamall, palagi pa rin akong nalilito. Problema ko talaga ang pagkakaroon ng sense of direction. Hindi na ako nagtanong sa guard dahil pakiramdam ko malapit na ako sa lugar na hinahanap ko. Ewan, nakakatamad lang talagang magtanong kung minsan. Hanggang sa dalawang beses na akong nagpabalik-balik mula Bldg. A hanggang Bldg. B at saka apat na beses nagbaba-akyat ng mga elevator, hindi ko pa rin makita ang--
Ayy putragis! Ayun ang Krispy Kreme! Anak ng pating, nandito lang pala.

“Anyare, award ang hitsura mo. Bakit antagal mo?!” pang-ookray ni Lester.

“Nalimutan ko kung saan ‘to banda,” sabi ko habang hinahawi ang ngarag kong bangs.

“Kala ko d’yan ka lang sa likod ng Shang-rila manggagaling!”

“Hindi ako galing sa condo,”

“Ay warla?!”

Hindi na ko sumagot. Dumiretso na ko sa counter at umorder ng makakain.

“Aba, wala kang kape?” nagtatakang tanong ni Lester.

“Ano ba, lahat na lang pinapansin mo?”

“Confirmed! May problema nga.”

“Ikaw ang nakipagkita kaya ikaw ang may problema,” pag-iiba ko sa usapan.

Kagaya ng pauli-ulit naming topic sa parehong sulok na iyon ng Krispy Kreme sa Megamall, iyong boyfriend na naman niya ang problema. Kung tutuusin may iba namang nagkakagusto sa kaibigan ko, mas gwapo at mas disente. Kagaya ng dati, iiyak lang si Lester hanggang sa mauwi sa paghagulgol. Mauubos ang tissue ng Krispy Kreme, magtitinginan ang mga tao, at maiirita ang lahat sa perwisyong dala ng pag-atungal at malakas niyang pagsinga.

Sanay ako sa ganitong sitwasyon dahil may pormula nang sinusunod. Sasabihin ko lang ulit kay Lester ang mga sinabi ko noong mga nakaraang paghagulgol niya. Humigit-kumulang na tatlong oras, subok na ang ganitong tagal ng payuhan at huntahan tungkol sa pag-ibig ng bakla. May pormula na rin si Lester sa ganitong sitwasyon. Pakikinggan ako, tatango, sasang-ayon, tatawaging “tanga” ang sarili at magdedeklara ng pagmo-move on. Ganito ulit ang magiging eksena namin sa susunod na tatlong buwan. Repeat until we get old and die.

 “Gusto mo samahan mo na lang ako manood ng ‘Singin in the Rain’ sa Resorts World,” pag-aaya  ni Lester nang palabas na kami ng Krispy Kreme.

Hindi na, sabi ko. Mas gusto ko ngayong bumalik na lang sa higaan. Wala rin ako sa mood na makikanta sa gitna ng ulan. Naglalakad na ko palabas ng SM nang maalala ko na kailangan ko nga palang mag-grocery. Sa SM na lang ako mamimili para magamit ko yung SM Advantage card na pinilit ipabili sa akin ng saleslady noong nakaraan. Habang naglalakad, naramdaman kong lumuluwag ang kanang sapatos ko. Pasimple kong sinilip at nakita kong nakabuka na ang gilid nito, mga ilang hakbang pa siguro at iluluwa na nito ang paa ko. Wasak ang sapatos, parang ako.

Dahan-dahan akong humakbang hanggang sa makarating sa department store. Kebs nang abutin nang siyam-siyam, mailigtas lang ang sarili sa kahihiyan na maglakad sa mall nang nakapaa. Mag-a-alas sais na ng gabi. Halatang galing sa trabaho ang ilan sa mga nakakasalubong ko. Kasing-saklap ng wasak kong sapatos ang hilatsa ng mga pagmumukha nila. Hindi nakakatulong sa nakaka-bad shit kong pinagdadaanan. Nakakunot ang mga noo, mga nakatulala, at may mga thought balloon ng bills, grocery, school, at bumbay. Ganitong mga mukha ang nakakasalubong ko sa MRT kapag alas-siyete ng umaga, wala pa rin palang ipinag-iba sa gabi. Lalo pa nga sigurong pinasasaklap ng mga nakaka-bad shit nilang mga boss.

Kukunin niyo po ba ma’am?” nakangiting tanong ng saleslady habang hawak ang kulay silver na flat shoes. Tiningnan ko ang babaeng nagtanong, parang nginudngod ang nguso sa pagka-pula at animo’y may pasa sa mata dahil sa makapal na purple eyeshadow na inilagay.

“Sige. May ibang stock ba kayo niyan?”

Nagpaalam ang saleslady na titingnan pa raw niya sa stockroom at saka ako iniwang nakaupo sa bench ng department store. Perfect ang silver shoes na iyon, bagay sa edad ko. Silver. Twenty five. Nag-people watching na lang muna ako habang sinusuklay ng daliri ang hanggang bewang at kulot na buhok. Dumaan sa harap ko ang isang babaeng buntis. Hindi ko pa nararanasang mabuntis pero sa tingin ko nasa lima o anim na buwan na ang dinadala niya. Morena at may pagkakahawig sa artistang si Izza Calzado. Mahaba at itim na itim ang buhok. Elegante manamit pero mas nabaling ang pansin ko sa 3 inch high heel shoes na suot nito.

“Ay, nakapaa yung babae,” wika ng batang babae na kanina pa pala nakatayo sa harapan ko. Sigurado ako na nasa pito o walong taong gulang ang bata. Maganda, tisay, halatang may lahi. Mahaba ang buhok na may naghalong kulay ng blonde at itim. Kasama niya ang mas batang babae na mukhang kapatid niya.

Ngiti lang ang itinugon ko sa mukhang malditang bata at saka ako tumingin sa relo. Luminga-linga para sipatin kung nasaan na ba yung saleslady na kausap ko kanina. Magkakalahating oras na, wala pa rin. Nabubwiset na ko.

“Wala kang pambili ng sapatos?” sige pa rin sa pagtatanong yung bata.

“Angelina, Shane, we’re going!” boses iyon ng babaeng buntis. Lumapit ito sa dalawang anak pero hindi niya ako pinag-aksayahang tapunan ng tingin. Lumakad na sila palayo habang sinesermunan ng nanay yung mga bagets.

“Did I hear you speak in tagalog?” tanong nung babae sa mas batang anak.

“No! Angelina did!”

“Angelina, I will tell your dad about it!” parang may tonong pananakot ng nanay sa anak. Si Angelina yung batang maldita.

Sumasakit lalo ang ulo ko sa mga nakikita at naririnig ko. Nilinga-linga ko ulit yung saleslady habang hinihilot ang kumikirot kong sentido. May mamimili sa kalapit na counter na dino-double check ang biniling kapote. Binulatlat muna saka sinipat kung may damage at saka muling ibinigay sa bagger. Maingat na itinupi ng bagger ang kapote bago ipinasok sa bag.

Naalala ko kung paano magtupi ng kapote si Conrad. Mula sa pagkakasabit, ilang beses niya itong ipapagpag saka ilalatag sa sahig at sisiguraduhing nakalapat ang bawat bahagi. Paplantsahin ng kamay ang bahaging gusot. Unang itutupi ang mahabang manggas, isusunod ang hood. Kapag hindi nakuntento sa ayos ng pagkakatupi ay uulitin niya ang proseso mula sa pagpagpag.

“Ang OC naman!” minsang puna ko sa kanya.

“Aba siyempre! Baka masira. Mahirap mag-motor nang walang kapote tapos umuulan pa,” sagot niya sabay ngiti. Lumitaw ang linya sa gilid ng mga mata niya at saka yumuko sa tinutuping kapote. “Palibhasa kasi ikaw ang hilig mo lumusong sa ulan nang walang proteksyon,” pahabol pa nya. Inangat muli ang ulo at saka ngumiti. Nalusaw ang puso ko sa pagpapa-cute niya. Ang gwapo ng kwarenta na ‘to. Bakit ba lalong tumitikas ang lalaki sa ganitong edad?

Sa wakas, ayan na ang saleslady. Wala na raw ibang stock. Iyon na lamang nasa display ang available. Tinitigan ko ang saleslady nang mga ilang segundo. Parang kinulang kasi yung purple eyeshadow nito at gusto kong dagdagan.


Konti lang ang mga namimili sa supermarket ng mga oras na iyon. Dahil siguro Miyerkules, kalagitnaan palang ng linggo. Madalas kasi Biyernes o kaya ay weekend namimili ang mga tao. Kumuha muna ako ng pushcart at saka nag-ikot. Madalas kapag nag-go-grocery, inililista ko muna ang lahat ng mga kailangang bilhin. Pero wala akong dalang listahan ngayon. Iniikot ko na lang ang iba’t ibang section saka inaalala kung may kinukulang ba akong supply sa kusina, sa banyo, o sa kwarto.

Mas gusto kong nag-go-grocery mag-isa. Nakakapag-ikot ako nang mas matagal at nakakapag-isip. Kapag kasama ko si Conrad hindi ako pwedeng magtagal sa pamimili. Mabilis mayamot yun at magutom sa pag-iikot. Pero kapag ako lang, kinukumpara ko muna ang mga presyo at saka ko pinipili kung saan ako mas makakamura. Madalas naman akong mag-ikot nang mag-isa. Kumportable ako na ganun. Parang ang weird lang ngayon dahil nakakaramdam ako ng labis na panlalamig. Nanunuot ang lamig sa kaloob-looban ng katawan ko samantalang hindi naman ako ginawin. Siguro masyado lang talagang malakas ang aircon sa mall.

Inuna ko ang toiletries at saka pumunta sa pasta section.

“Hon, pasta na lang tayo for dinner?” tanong ng isang babae sabay kuha ng pasta. Inilagay ang pasta sa pushcart na tulak-tulak ng asawa niya.

Couple iyon na nasa bungad ng pasta section. Nakakaramdam ako ng pagkairita, sana matapos na ang araw na ito. Pagdating sa canned goods section nakakita ulit ako ng magkapareha.

“Okay kaya ‘tong Spanish Sardines nila?” tanong ng lalaki sa babaeng kasama. Nakaharang ang pushcart nila sa dadaanan. Kailangan ko pa bang magsalita para itabi nila? Ang weird talaga. Bakit ba ganito ang nararamdaman ko ngayon. Iniwan ko na lang yung pushcart sa isang tabi at saka kumuha ng mga delatang tuna at Spanish na sardinas. Isang lagabag ang narinig ko at nakita ko na lang na gumugulong na ang mga pinamili ko. Ayun ang pushcart ko, parang ako kapag lasing. Nakabulagta sa sahig.

“Angelina!” sigaw ng babaeng buntis na nakita ko kanina sa department store.

Nabangga ni Angelina ang pushcart habang nakikipagharutan sa kapatid niya.

“I’m sorry,” paghingi sa akin ng depensa nung babae. Nagmamadaling umalis ang mag-iina at naiwan akong kasama ang mga item kong parang confetti na nagbagsakan. Unti-unti akong nakaramdam ng paninikip sa dibdib. May kung anong naiipon doon na gustong kumawala. Huminga muna ako nang malalim saka isa-isang dinampot ang mga natapong laman ng pushcart. Walang crew sa bahaging iyon. Naglaho ring parang bula ang mga tao. Walang sinabi ang ghost town na setting ng pelikulang “I am Legend” ni Will Smith.  Lalong sumidhi ang kagustuhan kong makauwi.

Nasa counter na ko nang mapansin kong naparami pala ang mga binili ko. Pinalagay ko sa dalawang ecobag. Sinukbit ang isa sa kanang balikat at binuhat ang isa pa sa kaliwang kamay. Gusto kong maiyak sa bigat ng mga dalahin ko. Lalakad na sana ko palabas nang may bigla akong naalala.

“Shit! Sa Fairview nga pala ang uwi ko at hindi sa condo,”

Nasa likod lang ng Shangri-la Mall ang condo pero ayokong matulog dun ngayon dahil hindi naman uuwi si Conrad. O siguro, ayoko na rin talaga doon. Nagpaalam si Conrad na sa sunod na linggo na makakauwi. Nasa bakasyon siya ngayon, sa rest house nila sa Batangas kasama ang asawa’t mga anak.

Lumabas na ko ng supermarket. Ang hirap maglakad na bitbit ang mga pinamili. Puno pa ang lahat ng bus na dumaraan. Malabo akong makasakay nito kasama ng mga pinamili ko.

“Kuya, pwede ba ko makasakay ng taxi dito?” tanong ko sa isang guard na malapit sa kinatatayuan ko.

“Meron naman ma’am kaso matagal,” sagot nito habang sumesenyas sa mga sasakyang nanggagaling sa bahagi ng St. Francis Square.

Tumayo ako sa tabi ng guard. May mga nagdaraang taxi pero may sakay lahat. Malayo ang taxi bay at hindi ko na kayang lumakad pa kasama ng mga bitbitin ko. Tinutulungan ako ng guard na makapara ng taxi. Tatlumpong minuto na ang nakalilipas nandoon pa rin ako at naghihintay. Umaasang may daraang taxi na walang karga. Gustong-gusto ko nang makauwi sa nanay ko. Nanghihina na ang katawan ko sa pagod at gutom. Alas-otso na pala at hindi pa ko nakakapaghapunan.

Lalong naninikip ang dibdib ko sa puntong nahihirapan na akong makahinga. Panay ang hugot nang malalim. Para bang sa bawat hugot ng hangin ay nag-iiwan iyon ng espasyo sa dibdib upang makahinga ulit nang maluwag. Tuloy-tuloy bagama’t mabagal ang pagdaan ng mga bus at kotse sa kalsada. Hindi maubos-ubos ang mga taong naglalakad sa paligid. Lahat gumagalaw, walang naka-steady. Kahit ang guard sa tabi ko ay panay ang wagayway ng kamay. Ako lang ang nakatayong parang tuod sa gitna ng mga tao at sasakyang walang pagod sa pag-usad. Mundo ko lang ang nakahinto habang ang paligid ko, patuloy sa paggalaw.


Nakaramdam ako ng maliliit na patak. Umuulan na. Kumilos na ako upang lumakad pabalik sa loob ng mall. Bago ko pa nabuhat ang mga bag at bago pa ko nakapaglakad, lumakas na ang pagbuhos ng ulan. Tuwang-tuwa ito sa pangungutya habang binabalanse ko ang dalawang mabigat na bag sa magkabilaang kamay. Dalawang dam ang nagpapakawala ngayon ng tubig, isang mula sa itaas at isang mula sa ilalim. Naghahalo ang malamig at mainit na patak sa mukha ko. Naalala ko si Conrad. Mabuti pa siya, may kapote, walang dapat ipangamba sa ulan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento