Kwentong pambata ni: Raquel “Uel” Ceballos
©2013
Si Tong ang batang siga ng
Sitio Mandaragat. Kasama sina Boyet, Paeng at Kokoy, madalas silang tumambay sa
tindahan ni Aling Karing malapit sa tabing dagat.
“Ikaw talaga Tong, pulutin
mo nga iyang plastik na pinag-inuman mo ng softdrinks. Makalat na nga itong
Sitio Mandaragat lalo mo pang dinadagdagan,” saway ni Aling Karing.
“Aling Karing hindi naman natin
kalat lahat ng iyan. Karamiha’y galing sa kalapit na Manila bay, basura iyan ng
mga taga-Maynila,” banat ng palasagot na si Tong.
“Oo nga naman Aling
Karing, sabi nga nila kapag pinadalhan ka ng basura, bigyan mo rin ng mas
marami pang basura para patas!” dagdag ni Boyet habang panay ang kamot sa siko.
“Lalo niyo lamang dinudumihan
ang paligid. Hala, magsiuwi na nga kayo’t gumagabi na,” sagot ng masungit na si
Aling Karing.
Sa kanilang paglalakad
pauwi, umiiwas at nagtatakbuhan palayo ang bawat batang kanilang nadadaanan. Ang
sinumang magyayabang at maghahari-harian ay tiyak na mapag-iinitan ni Tong at
ng grupo niya.
“Maligo muna tayo sa dagat
bago umuwi,” yaya ni Paeng
“Hindi ba’t sa ganitong
oras daw lumilitaw ang engkantong isda, baka tayo mapagkatuwaan,” takot na sabi
naman ni Boyet.
“Halika na sumama ka nang
maligo” wika ni Tong.
“Kayo na lang! Pagagalitan ako ng tatay ko
kapag sumama ako sa inyo. Sige, diyan na kayo!” sambit ni Boyet sabay takbo.
“Boyet duwag!” pahabol na
sagot ni Kokoy habang nakikipagtawanan kina Tong at Paeng.
Nagtungo na nga ang tatlo
sa lugar na madalas nilang paglanguyan. Kakaunti lamang ang basura sa bahaging
iyon ng dagat. Tuwang-tuwa ang magkakaibigan, langoy dito, sisid doon, puro
tawanan at asaran ang ginagawa.
Sa kanilang paglalaro’y
biglang napatigil sina Paeng at Kokoy habang nanlalaki ang mga matang napatitig
sa likuran ni Tong.
“Bakit?” nagtatakang
tanong ni Tong.
Hindi na nagawang
magsalita nina Paeng at Kokoy, sumisigaw silang lumangoy pabalik at iniwang
mag-isa si Tong. Nilingon ni Tong ang kinatatakutan ng mga kaibigan at
napasigaw siya sa kanyang nakita. Isang malaking isdang bilugan, makinis ang
balat at may mukhang nahahawig sa isang dolphin, ito yung sinasabi nilang
isdang engkanto! Mananakbo na rin sana si Tong ng mapansin niya ang bilugan at
maamong mata nito, kahit kaunti na lamang ang layo nila sa isa’t isa’y hindi
man lamang siya sinusugod o kinakagat, nakatitig lamang ito sa kanya na para
bang nakangiti pa.
Sinubukang hawakan ni Tong
ang isda, itinaas niya ang kanyang kamay at dahan-dahang inilapit sa ulo ng
kakaibang hayop. May panginginig at takot pa kay Tong ngunit ng kanya itong
nahawaka’y hindi ito pumalag at parang gusto pang makipaglaro sa kanya.
Naging simula iyon ng
pagkakaibigan ni Tong at ng isdang tinawag niyang Gong. Umuungol kasi ito na
katulad ng tunog ng isang gong. Araw-araw nagkikita sina Tong at Gong para
maglaro. Minsa’y sasakyan ni Tong si Gong at dadalhin siya nito sa malalim na
bahagi ng dagat. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagagawa ni Tong na tumagal
sa ilalim ng tubig kapag nakaangkas siya sa kaibigang isda. Inililibot siya ni
Gong sa makulay na mundo ng karagatan at labis namang namamangha si Tong sa
nakikitang kagandahan.
Isang araw, dinala ni Gong
si Tong sa isang bahaging hindi katulad ng mga madalas nilang puntahan. Maitim
ang tubig at walang makukulay na isdang naglalaro. Basag ang mga koral at puro
basura ng tao ang paligid. Nalungkot si Tong sa nakita, naisip niyang hindi
maglalao’y magiging ganoon na rin ang iba pang bahagi ng karagatan kung patuloy
itong tatapunan ng mga kalat.
“Tong, saan ka pupunta?
Hindi ka ba sasama sa’min mag-merienda kina Aling Karing?” tanong ni Boyet kay
Tong isang hapon pagkagaling nila sa eskuwelahan.
“Hindi muna ako sasama sa
inyo Boyet, may kailangan akong gawin,” sagot ni Tong.
“Bakit may bitbit kang
sako ng mga basura?” tanong ni Paeng.
“Namumulot ako ng mga kalat
para naman mabawasan ang mga basura dito sa atin, mabuti pa’y tulungan na
lamang ninyo ako,” sagot ni Tong.
“Nakakagulat naman ang bigla
mong pagmamalasakit sa kapaligiran Tong. Pero sige tutulong kami sa’yo,” sagot
naman ni Kokoy.
Nang sumunod na buwan, isang
karamdaman ang biglang dumapo sa Sitio Mandaragat. Karamihan sa mga bata’t
matatanda’y nagkasakit ng malubha. Maging ang ina ni Tong ay naratay sa higaan
at natigil sa hanapbuhay nitong pagtitinda. Isinisi ng mga tao ang pangyayari
sa mahiwagang isda na si Gong, lahat sila’y nagkaisang hulihin ito at patayin.
“Tay, hindi po totoong si Gong ang nagdala ng
sakit sa lugar natin. Hikayatin niyo po sila Mang Hener at iba pang kapitbahay
natin na baguhin ang kanilang pasya, wala pong ginagawang masama ang kaibigan
ko.” umiiyak na pakiusap ni Tong sa kanyang ama.
“Anak, buo na ang kanilang
pasya, subalit alam naman nating sa bandang huli’y mananaig pa rin ang
katotohanan. Kailangan mo lamang magpakatatag at maging matapang,” sagot ni
Mang Karyo.
Maya-maya’y isang ingay
ang narinig mula sa labas. Nakita ni Tong ang buong Sitio na naghihiyawan sa
pampang, nahuli na si Gong at pilit itong kumakawala sa malaking lambat na
bumitag sa kanya. Umuungol ito na parang batang umiiyak at humihingi ng tulong.
Mabilis na tinungo ni Tong
ang kinaroonan ng mga tao. Lahat sila’y takot lumapit sa engkantong isda.
“Pakawalan niyo po ang
kaibigan ko parang awa niyo na Mang Hener! Wala po siyang kasalanan, mabait po
siya,” nagmamakaawang pakiusap ni Tong.
“Siya ang nagdala ng sakit
sa lugar natin Tong, simula ng magpakita siya’y napeste na ang Sitio,” galit na
sabi ni Mang Hener.
“Mabuti pa’y ikaw na ang
tumapos sa kanya Tong. Mayroon daw nakakita na nakikipaglaro ka sa halimaw na
iyan, madali ka’t baka makawala pa!” wika naman ni Mang Ador.
Sa labis na pananakot ay
umiiyak na nilangoy ni Tong ang kinaroroonan ni Gong. Hawak niya ang sibat at
patalim, bago lumusong ay isang kataga muna ang sinambit ng kanyang ama.
“Mag-iingat ka anak, gawin
mo ang nararapat,”
Habang papalapit si Tong
ay lalong lumalakas ang ungol ni Gong. Puno ng takot ang mga mata nito.
Lumuluha si Tong sapagkat nababatid niyang kahit sa ganoong sitwasyo’y hindi pa
rin magagawa ni Gong ang makapanakit ng ibang nilalang. Mas pipiliin na lamang
nitong manangis at tanggapin ang napipinto niyang kamatayan.
“Patawarin mo ko Gong,”
umiiyak na wika ni Tong sabay taas sa hawak na patalim.
Sa isang kilos ay agad na
hiniwa ni Tong ang lambat na nagkukulong kay Gong at mabilis na nakawala ang
kaibigan.
“Hindi dito ang mundo mo
Gong. Tumakas ka na at bumalik sa inyo. Gagawin ko ang lahat upang malinis at
maalagaan ang karagatang inyong tahanan. Huwag mo kong kalilimutan, salamat sa lahat.
Mahal kita kaibigan,” sabay yakap ni Tong ng mahigpit kay Gong.
Nakita ni Tong na nangilid
ang luha sa mga mata ni Gong, hindi na siya nag-aksaya ng sandali at agad nang
pinaalis ang kaibigan.
Lumuluhang bumalik ng
pampang si Tong, galit ang ilan, ang iba nama’y naluha sa nasaksihan at
naniwalang hindi nga masamang nilalang si Gong.
Sinimulan ni Tong ang
kanyang misyon sa tulong nila Boyet, Paeng at Kokoy. Hinikayat nila ang ibang
kabataang makiisa sa paglilinis at hindi naglao’y isa-isang gumaling ang mga taong
may karamdaman. Hindi na tinawag na batang siga si Tong, subalit binigyan siya
ng mga tagaroon na panibagong bansag, batang huwaran ng Sitio Mandaragat.
Isang araw naglalakad si
Tong sa tabing-dagat, naisip niya si Gong. Kahit nagkahiwalay, batid niyang
mananatili habambuhay ang pambihira nilang pagkakaibigan. Isang tunog ng gong
ang umalingawngaw sa paligid, napangiti si Tong at saka sumigaw ng napakalakas.
“Mahal din kita Gong!!! Mag-iingat
ka palagi kaibigan!!!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento