Linggo, Mayo 8, 2016

Kailangan nang umuwi nila Zaldy at Ana

ni: Uel Ceballos

Isinalin ni Zaldy ang natitirang alak. Nakatitig lang sa kanya si Ana at nagpipigil ng tawa.

Tumingala muna sa ulap si Zaldy saka uminom. Nang tumayo ay biglang sumuka.  Dito na tuluyang natawa ang dalaga.

Inalalayan ni Ana si Zaldy, hinihimas-himas ang likod nito. Halos masubsob ang mukha ni Zaldy sa kasusuka sa damuhan. Natatawa pa rin si Ana. Nang matapos magsuka ay natawa sa sarili ang binata. Umalingawngaw ang ingay nila sa kabundukan ng Batolusong.

Sumeryoso ang mukha ni Ana. Tumayo nang nakapamewang sa binata.

“Kahit hindi mo ko matalo sa inuman Zaldy, mahal pa rin kita.”

Umiling-iling lang si Zaldy na pumasok sa tent. Nahiga ito at agad na nakatulog. 
Si Ana na ang nagsara ng tolda  saka humiga at pinanood ang nahihimbing na binata.

Ang kaninang umuugong na halakhakan ay napalitan ng pabulong na ihip ng hangin at salit-salitang pag-iingay ng mga kulisap.

Alas-sais ng umaga nang lumabas si Ana at Zaldy mula sa tent. Binati sila ng dagat-dagatang ulap na pumapalibot sa Duhatan Ridge.

Naglakad si Zaldy papunta sa upuan sa ilalim ng puno ng Duhat. Nakapaang sumunod si Ana kahit na basa ang tinatapakang damo. Tahimik nilang pinagmasdan ang mga naglalakihang cotton candy sa kulay puting karagatan.

Isang oras.

Dalawang oras.

Naglalaho na ang mga ulap, natutuyo na rin ang basang damuhan. Nilingon ni Ana si Zaldy.

“Happy anniversary.”

Hinalikan niya sa pisngi ang binata. Umihip ang hangin at isinayaw ang mga halaman at punungkahoy. Lumamig ang paligid. Napangiti si Zaldy at saka buong lakas na sumigaw sa kawalan.

“Ang daya mo Ana!!! Mahal na mahal na mahal kitaaa!!”


Hindi umulan pero nadiligan ang mga damo sa paanan nila. Naglakad na pabalik sa tent ang binata. Naiwan sa kinauupuan niya si Ana. Kailangan nang umuwi ni Zaldy. Kailangan na ring umuwi ni Ana.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento