Martes, Enero 19, 2016

Buwan, Ulan, at Sumpang Alaala

ni: Uel Ceballos, Circa 2014

Lumipas na ang dilim
Sumisilip na ang mga bituin
Dahan-dahan nang nagbubukas ang mga ulap
Binibigyang daan ang malamlam na sinag ng buwan

Parang halik na tumama sa pisngi ko ang liwanag
Kasabay nun ang paglitaw ng mga mumunting kislap sa langit
Mga sandaang butil na nagsasabog ng ngiti

Mayabang ang kabilugan ng buwan
Nagparaya na ang kanina’y nagngangalit na ulan
Malamig pa rin ang simoy ng hangin
Bakas na iniwan ng mga nagdaang patak

Lumipas man ang ulan o magkubli ang buwan
Ang sinumpang alaala ay patuloy lang iinog
Sa pagsasalitan ng tag-araw at tag-ulan
Sa pagtatago at muling paglitaw ng buwan

Oo nga’t natapos na ang kabaliwan
Hinilom na ng kapatawaran ang nakaraan
Subalit patuloy na mananariwa ang kahapon
Sa tuwing bibilog ang buwan at bubuhos ang ulan.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento