ni: Uel Ceballos
Sa mga tuyong dahon kita naaalala
Kasabay ng mga sumpaan natin ng walang hanggan.
Sapagkat ang pag-ibig kong sinelyuhan ng mga dagta,
Sa tuyong dahon, sa ilalim ng araw makikita.
Sa mga tuyong dahon tayo nagsumpaan.
Hindi alintana ang hapdi ng araw.
Sapagkat ang pag-ibig ko sa'yo ay
parang kalikasan,
Nagbabago at nalalanta; subalit
laging sinisibulan ng pag-asa.
Sa mga tuyong dahon ko unang natikman;
Ang halik mong sing-tamis ng hinog na mangga.
Doon ko nasilayan ang maamo mong ngiti,
gayundin ang mapait mong pagluha;
Sa tuwing ang pag-ibig nati'y sinusubok ng tadhana.
Sa mga tuyong dahon natin naisulat
ang pangakong tayo magpakailanman.
Sa mga tuyong dahon din pala
magwawakas, ang pagmamahalang akala ko'y
walang hanggan.
Sa mga tuyong dahon kita laging naaalala.
Sa mga tuyong dahon din kita sisimulang kalimutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento