Sabado, Hulyo 26, 2014

TraveLore: Ala Eh Sa Bundok Talamitam Na Tayo!

Hindi sapat ang mga salita upang mailarawan ang karilagan ng bundok ng Talamitam. Sa buong pag-aakala ko’y hindi na muling titibok pa ang aking puso (nagpapakatunog makata na naman ang blog ko. Sareee naman!), subalit lumakas ang kabog nito nang masilayan ko ang kagandahan sa itaas. Umibig ako sa kariktan ng kalikasan at siguro kahit sino mang maton o siga sa kanto ang makatatanaw sa nakita ko at makalalanghap sa hanging naamoy ko (isama mo pa ang aroma ng mga bomba ng baka at kambing) ay mahahalina sa payak ngunit walang katumbas na obra maestra ng kalikasan.

Hindi kataasan ang bundok ng Talamitam sa Nasugbu, Batangas. Ito ay nabibilang sa kategorya ng minor climb sa taas nitong 630 MSL, tumatagal lamang ng isa’t kalahati hanggang sa dalawang oras ang pagbagtas sa landas paakyat sa tuktok nito. Ang natatanging karanasang kaakibat ng pag-akyat sa bundok ng Talamitam ay hindi patungkol sa tayog ng taas nito kundi sa nakababatu-balaning kagandahang mayroon sa taluktok. Hatid ng kabundukan ng Talamitam ang 360 degree na tanawing panlupa ng Batangas, para sa akin ay mas kamanghang-mangha ang tanawin dito kumpara sa makikita mo sa tutok ng bundok ng Batulao (blog kasi ng Talamitam ito kaya mas ibibida natin siya ng kaunti kay Batulao).

ASEMBLIYA

Kasama ang aking mga dabarkads sa kalokohan at akyatan (ng bundok, hindi ng bahay) nagtakda kami ng oras ng pagkikita sa terminal ng Genesis Transport sa Pasay. Alas singko y media pasado ay lulan na kami ng bus; bumiyahe ng dalawang oras habang maya’t maya’y pinapaalalahanan si kuyang kunduktor na ibaba kami sa Sitio Bayabasan sa Nasugbu Batangas. Nang sa wakas ay nakarating na kami sa aming destinasyon bumungad sa amin ang isang kalsadang may tindahan sa dalawang magkatapat na kanto. Inirehistro namin ang aming mga pangalan sa isang logbook na makikita sa tindahang nasa kaliwang bahagi. Hindi niyo pa kailangang magbayad sa inyong pagpaparehistro dito, gagawin niyo iyon sa registration camp sa jump off paakyat ng Talamitam. Mula sa tindahan ni Aling Nena (ako lang ang nagbansag nito) naglakad kami ng mga sampung minuto patungo sa totoong registration site (hindi ko sinasabing peke yung una) at muling inirehistro ang mga pangalan namin saka nagbayad ng beinte pesos. Nang maiabot ang bayad ipinakilala na kami sa magiging gabay namin sa pag-akyat sa bundok, si Kuya Russel. Tatlong daang piso ang bayad sa taong maggagabay sa inyo sa pag-akyat (round trip fee na yun para sa day hike), may bonus pang kwento mula kay kuya at pakikisuyo na kuhanan kayong magkakabarkada ng group picture.

ANG PAGBAGTAS SA DAAN PAAKYAT NG TALAMITAM

Sinimulan na ang akyatan at nakalabas na ang mga camera. Tinawid namin ang isang maliit na bahagi ng ilog doon (mukha lang siyang sapa) gamit ang bagong gawang tulay na likha sa bamboo. Salamat at tapos nang gawin nun ang tulay dahil hindi ko kakayanin iyong sasayaw-sayaw at aalog-alog na lumang tulay nila, bukod sa aminado silang delikado na iyon natrauma na din ako mula nang tawirin ko ang buwis buhay na monkey bridge sa bundok ng Manalmon.

Pagkatawid ng tulay ay pinasok namin ang gubat at binagtas ang medyo maputik at madulas na daanan. Naghalo ang halimuyak ng mga ligaw na bulaklak, dahon, mamasa-masang balat ng kahoy, singaw ng lupang naulanan at hamog ng isang umagang kay sariwa. Nariyan na bahagya kaming nadudulas sa hindi naman matarik ngunit puro paahon na bagtasin kung kaya maya’t maya din ang aming pagpapahinga. Dahil na rin siguro sa labis na kahalumigmigan ng panahong iyon kaya medyo mabilis kaming mahapo at maghabol ng hininga. Hindi naman kasi kami baguhan sa akyatan at hindi rin naman namin tatanggapin ang dahilang tumatanda na kami. Mataas ang humidity ng mga oras na iyon kaya bahagyang mahirap huminga sabayan mo pa ng puro paahon na daan, tapos ang usapin sa mabilis na pagkahingal.

ALA-SWITZERLAND



Natapos na rin ang magubat at masukal na paglalakbay. Sumunod namang tumambad sa amin ang isang malawak na pastulan ala-Switzerland. Isang pastulan sa mataas na bahagi ng kalupaan; naaalpombrahan ng mga damong tingkad sa pagkaberde; pinaliligiran ng mga baka at kabayong nanginginain. 



 

Wala pa man din kami sa itaas ng bundok ay makikita mo na ang makapigil hiningang tanawin ng Batangas at katapat na bundok ng Batulao. Sa pagtanaw naman sa direksyon ng bundok Talamitam, mabibighani ka sa angkin nitong ganda at karinyo para sa lahat ng mga nilalang na nabubuhay sa paligid niya. Marilag gayunpama’y hindi naghahambog sa kanyang postura, ang bundok Talamitam ay isang obrang nakapinta sa bughaw na kanbas upang lalong magbigay buhay sa luntiang kaparangan. 



Idinaan kami ni kuya Russell sa daanang matarik patungo sa tuktok ng bundok. Mas maikli raw kasi ang daanang iyon kumpara sa isa pang daanang hindi nga matarik ngunit mas mahaba at mas matagal lakarin. Tiwala ata si Kuya Russell sa tibay namin kaya pinili niya kaming idaan doon (o siguro’y gutom na siya kaya gusto niya nang madaliin ang pag-akyat). Tirik na ang araw ng mga sandaling iyon kaya umuusok na kami at natutusta na ang mga (dati nang tustang) balat namin. Hingal kabayo kami sa tuwing lilipas ang dalawang minuto, dahil uulitin ko bukod nga sa matarik ang daan masyado pa ring mahalumigmig ng mga oras na iyon (teorya lang namin ‘to huwag niyo na kong lecturan sa Science utang na loob).

SA TALUKTOK NG BUNDOK TALAMITAM

Makaraan ang ilan pang minuto ng matutunog na paghingal at paghihikayat sa sariling katawan na “konti na lang nasa itaas na” naakyat na rin namin ang taluktok eksakto alas diyes y media ng gabi, este ng umaga pala. Nakatira ata ng katol si haring araw dahil ubod ang pagka-aktibo niya buti na lang at handa kami sa aming mga Wonder Payong. 






Salamat kay Benjar na nagmagandang loob na magbaon ng tinapay, San Marino Tuna at Wafer, nakapag-picnic kami sa itaas ng bundok habang humahanga sa tanawin ng bundok ng Batulao at Pico De Loro. Ang gandang pagmasdan ng luntiang kaparangan sa ibaba kung saan animo’y mga langgam lamang ang mga baka, kambing at kabayong walang sawa sa pagnguya ng mga damo.

Kuha ng larawan dito, kuha ng larawan doon, nais naming baunin ang karikitang iyon kahit sa pamamagitan lamang ng lente ng aming mga kamera.



Iba talaga ang pakiramdam kapag nasa tuktok ka ng bundok, nakalalango ang ganda ng kalikasan at perpektong porma’t istruktura nito. Pakiramdam mo'y tanaw mo ang buong mundo, kahit na ba sa lawak ng naaabot ng paningin ay tuldok pa rin iyong maituturing sa kabuuan ng daigdig na ginagawalan natin. Masarap huminga sa itaas dahil sa wari mo’y naiwan mo sa ibaba lahat ng mga pasanin mo sa buhay o siguro’y dahil isinambulat mo na iyon sa hangin at ikinalat sa daigdig.



Isang bagay kung bakit masarap umakyat ng bundok ay dahil sa mga positibong enerhiyang nababalot dito. Ako bilang isang indibidwal hinahanap-hanap ko ang enerhiyang iyon at sa pag-akyat ko ay nararamdaman ko ang kakaibang lakas na nagmumula sa mga elemento ng kalikasan. Sa ganitong mga aktibidades, pakiramdam ko’y may isang bahagi ako na muling naisisilang. . . pag-asa...tama iyon nga! Nagbibigay ng kakaibang pag-asa ang kalikasan kaya siguro hinahanap-hanap ko lagi ang kabundukan dahil nababalot ito ng buhay at sa buhay ay naroroon ang pag-asa!

BANLAW PAGOD SA KAILUGAN

Mga bandang alas onse y media ay nagsimula na kaming bumaba. Saglit lang ang oras na ginugol namin kumpara sa tagal ng iniakyat. Mas mabilis kasing bumaba maari ka ngang magpadausdos kung nais mong mas bumilis pa. Mas mahirap talagang umakyat kung saan minsan kailangan mo pang gapangin na paunti-unti at padahan-dahan bago ka makarating sa itaas. Sa pagbaba, para ka lang nag-teleport mula sa tuktok papunta sa paanan. Kailangan mo nga lang mag-ingat kung ayaw mong umuwing puro galos at sugat dahil gumulong ka na parang sina Jack at Jill, went up the hill, to fetch a pail of water (uy, kinakanta na niya.)

Dinala kami ni Kuya Russell sa ilog na malapit sa registration site. Mabato at maingay ang paligid gawa ng malakas na pagragasa ng tubig. Doon sa bahaging mababaw kami nagtampisaw at lumangoy-langoy na parang Janitor fish. Mabato ang paligid  subalit buhanginan ang nasa ilalim ng tubig. Hindi mo na aalalahanin ang madudulas na batong naglulumot na kadalasang matatagpuan sa mga ilog.



Makaraan ang ilang minutong pagpapalamig sa ilog bumalik na kami sa registration site parang magbanlaw at magpalit ng damit. Beinte singko pesos ang bayad sa pakikiligo, buti't hinanapan kami ni Kuya Russell na ibang pagpapaliguan. Ang haba kasi ng pila pagdating namin doon sa site sinuwerte lang at maparaan ang aming gabay. Nang matapos sa pag-aayos ay nagpaalam na kami kay Kuya Russell at nagpasalamat, pagal na ang mga katawan namin ngunit labis kaming nasiyahan sa karanasang ibinigay sa amin ng bundok ng Talamitam.

Itinerary:
5 AM                Assembly time at Pasay Bus Station
6 AM               Departure going to Nasugbu, Batangas
8 AM               Arrival at Brgy. Bayabasan, Nasugbu, Batangas
8:30 AM        Start of trekking
10:30 AM      Summit of Mt. Talamitam
11: 30 AM     Start of descend
1: 30 PM       River experience
2 PM              Back at Registration Site / Banlaw time
3 PM              Departure going to Manila

EXPENSES:

Breakfast                                                       100
Bus fare from Pasay to Nasugbu          127
Registration fee                                            20
CR fee                                                                 3
Guide fee (300/3)                                      100
Tip                                                                    60
CR fee                                                              25
Bus fare from Nasugbu to Manila      127

                                                                        562

2 komento: