Hindi sapat ang mga salita upang
mailarawan ang karilagan ng bundok ng Talamitam. Sa buong pag-aakala ko’y hindi
na muling titibok pa ang aking puso (nagpapakatunog makata na naman ang
blog ko. Sareee naman!), subalit lumakas ang kabog nito nang masilayan ko ang
kagandahan sa itaas. Umibig ako sa kariktan ng kalikasan at siguro kahit sino
mang maton o siga sa kanto ang makatatanaw sa nakita ko at makalalanghap sa
hanging naamoy ko (isama mo pa ang aroma ng mga bomba ng baka at kambing) ay
mahahalina sa payak ngunit walang katumbas na obra maestra ng kalikasan.
Hindi kataasan ang bundok ng
Talamitam sa Nasugbu, Batangas. Ito ay nabibilang sa kategorya ng minor climb
sa taas nitong 630 MSL, tumatagal lamang ng isa’t kalahati hanggang sa dalawang
oras ang pagbagtas sa landas paakyat sa tuktok nito. Ang natatanging karanasang
kaakibat ng pag-akyat sa bundok ng Talamitam ay hindi patungkol sa tayog ng
taas nito kundi sa nakababatu-balaning kagandahang mayroon sa taluktok. Hatid
ng kabundukan ng Talamitam ang 360 degree na tanawing panlupa ng Batangas, para
sa akin ay mas kamanghang-mangha ang tanawin dito kumpara sa makikita mo sa
tutok ng bundok ng Batulao (blog kasi ng Talamitam ito kaya mas ibibida natin
siya ng kaunti kay Batulao).
ASEMBLIYA
ANG PAGBAGTAS SA DAAN PAAKYAT NG
TALAMITAM
Pagkatawid ng tulay ay pinasok
namin ang gubat at binagtas ang medyo maputik at madulas na daanan. Naghalo ang
halimuyak ng mga ligaw na bulaklak, dahon, mamasa-masang balat ng kahoy, singaw
ng lupang naulanan at hamog ng isang umagang kay sariwa. Nariyan na bahagya
kaming nadudulas sa hindi naman matarik ngunit puro paahon na bagtasin kung
kaya maya’t maya din ang aming pagpapahinga. Dahil na rin siguro sa labis na
kahalumigmigan ng panahong iyon kaya medyo mabilis kaming mahapo at maghabol ng
hininga. Hindi naman kasi kami baguhan sa akyatan at hindi rin naman namin
tatanggapin ang dahilang tumatanda na kami. Mataas ang humidity ng mga oras na
iyon kaya bahagyang mahirap huminga sabayan mo pa ng puro paahon na daan, tapos
ang usapin sa mabilis na pagkahingal.
ALA-SWITZERLAND
Natapos na rin ang magubat at masukal na paglalakbay. Sumunod namang tumambad sa amin ang isang malawak na pastulan ala-Switzerland. Isang pastulan sa mataas na bahagi ng kalupaan; naaalpombrahan ng mga damong tingkad sa pagkaberde; pinaliligiran ng mga baka at kabayong nanginginain.
Wala pa man din kami sa itaas ng bundok ay makikita mo na ang makapigil hiningang tanawin ng Batangas at katapat na bundok ng Batulao. Sa pagtanaw naman sa direksyon ng bundok Talamitam, mabibighani ka sa angkin nitong ganda at karinyo para sa lahat ng mga nilalang na nabubuhay sa paligid niya. Marilag gayunpama’y hindi naghahambog sa kanyang postura, ang bundok Talamitam ay isang obrang nakapinta sa bughaw na kanbas upang lalong magbigay buhay sa luntiang kaparangan.
Idinaan kami ni kuya Russell sa daanang matarik patungo sa tuktok ng bundok. Mas maikli raw kasi ang daanang iyon kumpara sa isa pang daanang hindi nga matarik ngunit mas mahaba at mas matagal lakarin. Tiwala ata si Kuya Russell sa tibay namin kaya pinili niya kaming idaan doon (o siguro’y gutom na siya kaya gusto niya nang madaliin ang pag-akyat). Tirik na ang araw ng mga sandaling iyon kaya umuusok na kami at natutusta na ang mga (dati nang tustang) balat namin. Hingal kabayo kami sa tuwing lilipas ang dalawang minuto, dahil uulitin ko bukod nga sa matarik ang daan masyado pa ring mahalumigmig ng mga oras na iyon (teorya lang namin ‘to huwag niyo na kong lecturan sa Science utang na loob).
SA TALUKTOK NG BUNDOK TALAMITAM
Makaraan ang ilan pang minuto ng
matutunog na paghingal at paghihikayat sa sariling katawan na “konti na lang
nasa itaas na” naakyat na rin namin ang taluktok eksakto alas diyes y media ng
gabi, este ng umaga pala. Nakatira ata ng katol si haring araw dahil ubod ang
pagka-aktibo niya buti na lang at handa kami sa aming mga Wonder Payong.
Salamat kay Benjar na nagmagandang loob na magbaon ng tinapay, San Marino Tuna at Wafer, nakapag-picnic kami sa itaas ng bundok habang humahanga sa tanawin ng bundok ng Batulao at Pico De Loro. Ang gandang pagmasdan ng luntiang kaparangan sa ibaba kung saan animo’y mga langgam lamang ang mga baka, kambing at kabayong walang sawa sa pagnguya ng mga damo.
Salamat kay Benjar na nagmagandang loob na magbaon ng tinapay, San Marino Tuna at Wafer, nakapag-picnic kami sa itaas ng bundok habang humahanga sa tanawin ng bundok ng Batulao at Pico De Loro. Ang gandang pagmasdan ng luntiang kaparangan sa ibaba kung saan animo’y mga langgam lamang ang mga baka, kambing at kabayong walang sawa sa pagnguya ng mga damo.
Kuha ng larawan dito, kuha ng
larawan doon, nais naming baunin ang karikitang iyon kahit sa pamamagitan
lamang ng lente ng aming mga kamera.
Iba talaga ang pakiramdam kapag
nasa tuktok ka ng bundok, nakalalango ang ganda ng kalikasan at perpektong
porma’t istruktura nito. Pakiramdam mo'y tanaw mo ang buong mundo, kahit na ba sa
lawak ng naaabot ng paningin ay tuldok pa rin iyong maituturing sa kabuuan ng daigdig
na ginagawalan natin. Masarap huminga sa itaas dahil sa wari mo’y naiwan mo sa
ibaba lahat ng mga pasanin mo sa buhay o siguro’y dahil isinambulat mo na iyon
sa hangin at ikinalat sa daigdig.
Isang bagay kung bakit masarap
umakyat ng bundok ay dahil sa mga positibong enerhiyang nababalot dito. Ako
bilang isang indibidwal hinahanap-hanap ko ang enerhiyang iyon at sa pag-akyat
ko ay nararamdaman ko ang kakaibang lakas na nagmumula sa mga elemento ng
kalikasan. Sa ganitong mga aktibidades, pakiramdam ko’y may isang bahagi ako na
muling naisisilang. . . pag-asa...tama iyon nga! Nagbibigay ng kakaibang
pag-asa ang kalikasan kaya siguro hinahanap-hanap ko lagi ang kabundukan dahil
nababalot ito ng buhay at sa buhay ay naroroon ang pag-asa!
BANLAW PAGOD SA KAILUGAN
Mga bandang alas onse y media ay
nagsimula na kaming bumaba. Saglit lang ang oras na ginugol namin kumpara sa
tagal ng iniakyat. Mas mabilis kasing bumaba maari ka ngang magpadausdos kung
nais mong mas bumilis pa. Mas mahirap talagang umakyat kung saan minsan
kailangan mo pang gapangin na paunti-unti at padahan-dahan bago ka makarating
sa itaas. Sa pagbaba, para ka lang nag-teleport mula sa tuktok papunta sa
paanan. Kailangan mo nga lang mag-ingat kung ayaw mong umuwing puro galos at
sugat dahil gumulong ka na parang sina Jack at Jill, went up the hill, to fetch a pail of water (uy, kinakanta na niya.)
Dinala kami ni Kuya Russell sa ilog
na malapit sa registration site. Mabato at maingay ang paligid gawa ng malakas na
pagragasa ng tubig. Doon sa bahaging mababaw kami nagtampisaw at
lumangoy-langoy na parang Janitor fish. Mabato ang paligid subalit
buhanginan ang nasa ilalim ng tubig. Hindi mo na aalalahanin ang madudulas
na batong naglulumot na kadalasang matatagpuan sa mga ilog.
Makaraan ang ilang minutong pagpapalamig sa ilog bumalik na kami sa registration site parang magbanlaw at magpalit ng damit. Beinte singko pesos ang bayad sa pakikiligo, buti't hinanapan kami ni Kuya Russell na ibang pagpapaliguan. Ang haba kasi ng pila pagdating namin doon sa site sinuwerte lang at maparaan ang aming gabay. Nang matapos sa pag-aayos ay nagpaalam na kami kay Kuya Russell at nagpasalamat, pagal na ang mga katawan namin ngunit labis kaming nasiyahan sa karanasang ibinigay sa amin ng bundok ng Talamitam.
Itinerary:
5 AM Assembly time at Pasay Bus Station
6 AM Departure going to Nasugbu, Batangas
8 AM Arrival at Brgy. Bayabasan, Nasugbu, Batangas
8:30 AM Start of trekking
10:30 AM Summit of Mt. Talamitam
11: 30 AM Start of descend
1: 30 PM River experience
2 PM Back at Registration Site / Banlaw time
3 PM Departure going to Manila
EXPENSES:
Breakfast 100
Bus fare from Pasay to Nasugbu 127
Registration fee 20
CR fee 3
Guide fee (300/3) 100
Tip 60
CR fee 25
Bus fare from Nasugbu to Manila 127
562