Ni: Uel Ceballos
Dahan-dahang pumipikit ang mga mata
Sa kanang kamay ay hawak ang pluma
Naghalo ang luha at tinta
Sabay umiyak ang langit, mata, at panulat
Para sa sikmurang dumaraing
Gusot na papel ang nakahain
Pang-sampung liham na lakip ay dasal
Sinelyuhan ng halik
Sampung magkakasunod na halik
na walang sukli
Humina ang pagpatak sa bubungan
Ang sikmura'y lalong humapdi
Pumailanglang ang bango ng pritong isda
Ulan, hapdi, amoy na malinamnam
Ngunit nangibabaw ang hapdi
Kumalansing ang kutsara't tinidor
Nagkulitan ang mga paslit sa kabilang dingding
Tumindig si Nora upang hipan ang kandila
Tinabihan ang bunsong humihikbi
Lumakas muli ang buhos ng ulan