Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Enero 19, 2016

Buwan, Ulan, at Sumpang Alaala

ni: Uel Ceballos, Circa 2014

Lumipas na ang dilim
Sumisilip na ang mga bituin
Dahan-dahan nang nagbubukas ang mga ulap
Binibigyang daan ang malamlam na sinag ng buwan

Parang halik na tumama sa pisngi ko ang liwanag
Kasabay nun ang paglitaw ng mga mumunting kislap sa langit
Mga sandaang butil na nagsasabog ng ngiti

Mayabang ang kabilugan ng buwan
Nagparaya na ang kanina’y nagngangalit na ulan
Malamig pa rin ang simoy ng hangin
Bakas na iniwan ng mga nagdaang patak

Lumipas man ang ulan o magkubli ang buwan
Ang sinumpang alaala ay patuloy lang iinog
Sa pagsasalitan ng tag-araw at tag-ulan
Sa pagtatago at muling paglitaw ng buwan

Oo nga’t natapos na ang kabaliwan
Hinilom na ng kapatawaran ang nakaraan
Subalit patuloy na mananariwa ang kahapon
Sa tuwing bibilog ang buwan at bubuhos ang ulan.



Martes, Marso 3, 2015

Sa Mga Tuyong Dahon

ni: Uel Ceballos

Sa mga tuyong dahon kita naaalala
Kasabay ng mga sumpaan natin ng walang hanggan.
Sapagkat ang pag-ibig kong sinelyuhan ng mga dagta,
Sa tuyong dahon, sa ilalim ng araw makikita.

Sa mga tuyong dahon tayo nagsumpaan.
Hindi alintana ang hapdi ng araw.
Sapagkat ang pag-ibig ko sa'yo ay
parang kalikasan,
Nagbabago at nalalanta; subalit
laging sinisibulan ng pag-asa.

Sa mga tuyong dahon ko unang natikman;
Ang halik mong sing-tamis ng hinog na mangga.
Doon ko nasilayan ang maamo mong ngiti,
gayundin ang mapait mong pagluha;
Sa tuwing ang pag-ibig nati'y sinusubok ng tadhana.

Sa mga tuyong dahon natin naisulat
ang pangakong tayo magpakailanman.
Sa mga tuyong dahon din pala 
magwawakas, ang pagmamahalang akala ko'y
walang hanggan.

Sa mga tuyong dahon kita laging naaalala.
Sa mga tuyong dahon din kita sisimulang kalimutan.

Martes, Setyembre 30, 2014

Sa May Durungawan

ni Uel Ceballos, circa 2008

Naghihintay ang lahat,
tahimik na pinagmamasdan
ang gurong pinagmumulan ng tinig
tangan ang pulang pluma at talaan.

Sa isang gilid ng apat na sulok,
naroon si Maria sa may durungawan. 
Naglalakbay ang diwa,
isang kaluluwang tulala 
nakatingala sa pugad ng kalangitan.

Humuhuni ang ibon na parang anghel
sinusundo na yata ng mga alagad ni Gabriel.
Umindak si Amihan at naging dagat ang ulap,
itong si Maria naakit lalo sa pangangarap.

"Ulap! Maari bang ako'y ilipad?"

tanong ngayon ng nagmumuni niyang isipan.

"...tinig ng kanyang liksiyon hindi ko maulinigan,"

Hanggang sa bumagsak ng marahan
talukap ng mga matang nangingislap.
Nagsusumigaw ang panaginip,

"Halika na Maria! Halika na!"

Ngunit sa isang bugso isang tinig
ang sa kalangitan ay kumulog.

"Tila nililipad sa malayong lugar ang iyong isip,
maari bang pakiulit ang aking sinambit,
Maria Lourdes Macaraig?"

Sa Pagitan ng mga Patlang

ni Uel Ceballos, circa 2008

Naghari ang katahimikan sa buong silid
kasabay ng mga luhang nangingilid
matang kinusot ng mahabang panahon ng paghikbi.
Walang kaluskos 
ni ang mga dahong nagsasalimbayan sa labas ng durungawan
ay waring nakikiayon sa isang mahabang patlang,
patlang na lalong pinatatagal ng mabagal na pagtakbo 
ng orasan.

Alas kuwatro y media
Alas kuwatro u media ng huling marinig
ang huling pantig na pilit pinakawala sa nagsasarang lalamunan...aah!
Isang mahinang tinig na humulagpos sa apat na sulok.
Sa apat ng sulok na binalutan ng lumbay, pagsisisi at sari-saring damdaming
inamag na sa tagal ng pagkakakubli.

Doon sa apat na sulok na nilisan ng apat na anak
kung saan namalagi ang matandang umaga't gabing inaalala
ang noo'y maliliit pa niyang mga supling na salit-salitang sumasalabay, humihila
sa halos mapunit niya nang puruntong.
Kasabay din noon ang pagtanghod sa kusinang may anim na pinggan,

anim na basong magkakaiba ang sukat at kulay, anim na pares ng kutsara't tinidor.
Sa tuwing sasapit ang alas kuwatro y media ng hapon
ay muling gumuguhit sa kanyang isipan ang anyo ng kabiyak
na yumao halos mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas.
Wari bang nauulinigan pa rin ang kalansing ng mga kalderong nagsasagian
habang pumapailanlang sa hangin ang ginigisang karne at gulay, 
kung minsa'y ang nakaiilang na ugong ng de bombang kalan,
o di kaya'y sipol ng takureng niluma na ng sandaang nakaraan.

Sa pagitan ng mga patlang, pumapatak ang mga luhang tumatagos sa kailaliman
ng sahig na inalpombrahan ng alikabok.
Walang nangahas lumikha ng salitang pupunit sa patlang na gawa ng pusong
nagpasya nang tumigil sa pagtibok.
Isang mahabang patlang na iniwan ng matandang kailanma'y hindi naglagay
ng patlang sa pagiging ama.
Patlang na nagsusumigaw, nakabibingi, nakahihiwa ng malalim na sugat
sa didbdib na pinangingibabawan ng mahabang panahon ng pangungulila,
ng pagdiriwang mag-isa ng pasko't bagong taon,
na pinatatamis na lamang ng mga namamaskong paslit,
na mga paputok na pinakakawalan sa kalangitan
kasabay ng mga hinanakit na pilit iwinawaksi sa puso't isipan.

Marahan na ring umihip ang hangin.
Hudyat ng pagwawakas ng patlang 
at tanda ng pagsisimula ng panibagong ingay na katagala'y
magwawakas muli sa isang patlang.
Kumawala na ang mga luhang sinaliwan ng mga katagang 
tumatagos sa pader at umaalingawngaw sa pagitan ng mga punong
piping saksi sa isang pagluluksa.
Pagluluksang naganap pagkatapos ng mahabang taon ng mga patlang
sa pagitan ng ama at ng mga anak.


Sabado, Agosto 2, 2014

Labis na walang sukli

Ni: Uel Ceballos

Bumubuhos ang ulan
Dahan-dahang pumipikit ang mga mata
Sa kanang kamay ay hawak ang pluma
Naghalo ang luha at tinta
Sabay umiyak ang langit, mata, at panulat

Para sa sikmurang dumaraing
Gusot na papel ang nakahain
Pang-sampung liham na lakip ay dasal
Sinelyuhan ng halik
Sampung magkakasunod na halik 
na walang sukli

Humina ang pagpatak sa bubungan
Ang sikmura'y lalong humapdi
Pumailanglang ang bango ng pritong isda
Ulan, hapdi, amoy na malinamnam
Ngunit nangibabaw ang hapdi

Kumalansing ang kutsara't tinidor
Nagkulitan ang mga paslit sa kabilang dingding
Tumindig si Nora upang hipan ang kandila
Tinabihan ang bunsong humihikbi
Lumakas muli ang buhos ng ulan

Biyernes, Hunyo 13, 2014

Ulan ng Hunyo

ni: Lovely Esios at Uel Ceballos

Ang lakas ng ulan, ang bagsik...

pero ang bilis rin natapos, 
parang walang nangyari...
parang pag-ibig mo... 
ang bilis din naglaho...

Nung sa wakas dumating na ang ulan 
akala ko'y umpisa na rin ng bagong simula...

kagaya rin lang pala ng matamis mong pananalita ... 
puro paasa!

Nalinlang lang ba talaga ako...
sa tindi ng pagbuhos ng pag-ibig mo? 
Naniwala, sumumpa, umasa na tuloy na magiging maligaya...

Ngunit katulad ka rin pala nila, 
sa gitna ng gabing puspos ng lamig, iiwan akong nag-iisa..

Hinayaan mo akong matangay sa daloy ng iyong agos, 
at sumalimbay sa lipad ng malakas mong pag-ihip ... 

ikaw ang ulan na sana'y hindi na lang dumating...
kung sa gitna ng unos ako rin nama'y iyong titikisin!

Sabado, Enero 11, 2014

Saglit Na Paglisan

ni Uel Ceballos, Circa 2005

Saglit lamang,
At aking ihahayag itong pagsintang 
hindi makabasag pinggan
Hintay muna, maari bang pakinggan?
Damdaming kinipkip 
Dalawang taong singkad?

Minsan nga ba'y iyong natanaw
O sadya nga yatang ikaw ay
nagbubulag-bulagan
Sa kinang nga naman ng 
Binibini mong sinisinta

Mangyari pa bang iyong masinagan
Pagsinta kong nagkukubli ng walang
ingay?
Marahil,
Sa balintataw na lamang
Kita'y maiibig
Pangangamba ko ri'y lubhang di maihip
Na baka pati pagkakaibiga'y
Matiyak sa pangil ng panganib

Kaibigan, akin lamang pakiusap
Mangyari bang huwag na sanang
pagtakhan pa,
Kung panganorin man sa atin ay
mag-ibang kulay.
Ako ba sa iyo'y lubusang makakaasa?
Na sa pag-iwas ko'y 
Hindi ka mababalisa?

Mangyaring huwag ipagdamdam
Saglit kong paglisan,
Sa pagkakaibigang ating inalagaan
Dalawang taong singkad
Gantimpalaan nawa ng iyong 
pang-unawa
Na hirap akong bumata sa ganitong
kahapisan.

Siyang dilag na iyong sinisinta,
Kayo sa isa't isa ay nababagay
Siyang paraluman na lagi mong sinusundan
Ng tanaw
Maging ako sa kanya
ay tunay na nagigiliwan

Ngunit ang pangimbulo,
sukat ko mang pigilin ay dumadaluyong
Nababatid kong gawang masama
Datapwa't paano makakalasag
Alimpuyong bumabalani
Sa sawi kong katauhan?

Dapyo sa akin ng bawat umaga'y
Nananambitan na
nang dakilang pagwawakas.
Pag-aapula sa pagsintang
Sukat mandi'y walang pagkalagyan
Bakit nga ba dati'y hindi ko
napagtagumpayan?

Ang pag-ibig, busilak man at mataos,
kapag lumalabis lalo pa't
Nadidiligan ng kirot
Sa dumadama ay nagiging matinik na
lason,
Parang dagitab
na nagwawaksi ng poot!

Kaya't habang batid na makabubuti 
itong ganap,
Pagsinta sayo'y kikitlin ko nang
mahinusay.
Huwag na sanang ipagdamdam 
Pag-iwas ko ng ilang buwan
Ito'y panandalian lang naman,
Pangako iyan sinisinta kong kaibigan...